Mabato ang lupang tinatapakan ko. Hindi ito yung tipong maputik at may nagkalat lang na iba't ibang laki at hugis ng bato. Ito yung tipong mas mabuhangin kesa malupa.Tanghaling tapat. Mainit. Isang buntong-hininga na lang at hikab na ang kasunod. Kung bata lang ako, malamang tadtad na ng bungang araw ang likod ko. Halos naririnig ko na ang tunog ng radyong nakatutok sa drama o sa mga tugtuging hindi ako pamilyar.
Napadpad ako sa lugar na yun dahil kelangan. Kumakalap kami ng mga tagapakinig sa school-on-air na project naming magkakaklase. Tungkol san? Sa pagbubuo ng kooperatiba. Di hamak na mataas ang pag-asa namin sa barangay na yun, mainit kasi ang pagtanggap ng mga tao. Kahit alam nilang mga estudyante lang kami, seryoso silang makipag-usap sa amin.
Karay kami ng Kabataang Baranggay. Nililibot nya kami sa mga matatanda sa lugar, sa isang pyesta ng pagmamano at walang katapusang kapeng barako. Lahat nakangiti, lahat hanga sa amin.
Tagumpay daw ang ipinangalan sa lugar nila dahil nagawa nilang paunlarin ang komunidad nila. Ang dati-rating mistulang napabayaan ng bayan ay bumangon sa pamumuno ng ilang residente na mga nakarating na sa ibang magagandang lugar. Sinimulan nila sa iilang taong boluntaryong naglinis at nagpaganda ng paligid. Kasunod ang pagbubuo ng mga organisasyon ng iba't ibang sektor. Dumaloy na yun hanggang sa matinong pakikiharap sa mga ahensya ng gobyerno, na di nagdalawang isip na tumulong dahil sa naramdamang potensyal ng barangay.
Naaalala ko pa hanggang ngayon ang mga malilinis na bakuran na pinamumugaran ng maberdeng mga tanim. May mga puno at bulaklak sa paligid. May mga kahoy na bakod. Sa ilang kanto ay makikita ang mga blackboard na may nakasulat na kung anu-anong anunsyo. Kung lumipas pa ang ilang taon mula noon, malamang ito na ang kampyon sa Clean and Green.
Sa Tagumpay ko unang narinig ang mga kwento ng pagsisimula ng mga asosasyon ng mga magsasaka, mangingisda at mangangalakal. Noong dalawin ko ang lugar na yun, mistulang naka-shabu ang mga tao sa pag-asang sa pamamagitan ng pag-oorganisa makikibahagi sila sa mga programa ng gobyerno. At nang mga panahong iyon, ganadong-ganado sila sa pagbubuo ng kooperatiba.
Dahil nga proyekto lang para sa amin ang pakikipanayam sa mga doon, hindi ko na nasubaybayan kung paano pa umunlad ang baranggay na yun. Hindi ko na rin sila mulang nadalaw dahil sa pagsusulat na ng mga script ng radyo natutok ang atensyon ko. Pero ang Tagumpay ang unang larawan sa ala-ala ko ng isang komunidad.
Dito sa baranggay na ito, kahit may tricycle at may jeep nakikisabay ang mga tao sa Owner ng kapitbahay papuntang Junction (pronounced as Junson). Sa barangay na ito, may biglang sisigaw sa kabila ng kalye, "Oy, Patring! Hinahanap ka na ng lola mo, balutin mo na raw ang mga suman." Dito, may magsasabing, "Mamitas ka nga ng buko para sa mga bisita."
Dito sa baranggay na ito, hindi ka makakatanggi sa galon-galong kape kahit alam mong malamang tatlong araw kang gising sa dami na nang nalaklak mo. Doon, kahit hindi ka taga-roon, magmamano ka sa matatanda. Iinom ka ng tubig na galing sa balon. Uuwi ka ng nakangiti. Hindi trabaho yun. Hindi pakikibagay o pakikisama ang tawag dun- pakikipagkapwa.
No comments:
Post a Comment